Anak, proud na ibinahagi sa publiko na ang kaniyang ama mismo ang kaniyang role model sa buhay!

Marami sa atin ang talagang pinalad na maging malapit sa ating mga magulang. Mayroon mang iilan na hindi nagkaroon ng pagkakataon na maging kumpleto ang kanilang pamilya, batid naman ng bawat isa sa atin ang kahalagahan ng isang matibay at tunay na pagmamahal bilang isang mag-anak.


Marami ding mga magulang ang hindi batid kung gaano nila naiimpluwensiyahan ang kanilang mga anak sa araw-araw. Kamakailan lamang ay maraming humanga sa anak na ito, isang Singaporean na ipinagmalaki ang kaniyang ama sa kaniyang social media account.


“Perfect role model” ni Ayie Ahbotz ang kaniyang ama. Kung maraming mga kabataan ngayon ang humahanga at nakakakuha ng inspirasyon sa mga sikat na artista at personalidad, para kay Ahbotz ay wala nang makapapantay pa sa kaniyang ama.
Ang kaniyang ama ay isang tagapaglinis sa Nee Soon Town Council. Kahit na mahirap at hindi rin naman ganoon kalaki ang sahod, hindi ito naging hadlang upang siya ay maging isang responsableng ama sa kanilang pamilya.


Ayon pa sa anak, hindi alintana ng kaniyang ama ang hirap at pagod, magawa lamang niya ng tama ang kaniyang trabaho. Hindi rin daw siya dinidiktahan ng kaniyang ama kung paano mabuhay dahil ipinapakita nito sa kaniya kung paano ito namumuhay ng wasto.

Natutunan niya rin sa kaniyang ama na kahit napakaraming mga pagsubok at paghihirap sa buhay ay kayang-kaya niya lahat. Naniniwala rin ang kaniyang ama na hanggang tama ang ating ginagawa ay mas dapat natin itong ipagpatuloy.

Pasasaan ba at makakamit din natin ang tagumpay na matagal na nating inaasam? Tunay nga na napakagandang paalala nito hindi lamang sa mga anak kundi maging sa mga magulang.


Hindi na natin kailangan pang maghanap sa malayo ng inspirasyon dahil maaaring nasa loob na ito mismo ng ating tahanan. Bilang mga magulang, huwag dapat natin kalimutan na palagi tayong tinitingnan ng ating mga anak kung kaya naman dapat tayong maging maingat sa mga ginagawa at mga desisyon natin sa buhay.