Alagang pusa, labis ang kalungkutan at pangungulila sa kaniyang amo na namayapa na kung kaya naman gabi-gabi itong nakatulala sa kaniyang larawan.

Hindi na bago sa marami sa atin ang mga balita patungkol sa mga aso na tapat sa kanilang mga amo. Ngunit sa paglipas ng panahon hindi lamang pala ang mga asong ito ang mayroong pambihirang katapatan.

Dahil maging ang mga pusa ay maituturing ding isa sa mga tapat na hayop. Sa Thailand, isang alagang pusa ang pumukaw sa atensyon ng publiko.

Ibinahagi ng netizen na si Rong Servic ang mga naging kaganapan sa kanilang tahanan ng mga lumipas na linggo matapos pumanaw ng kaniyang asawa. Hindi lamang pala siya ang nangungulila sa pagkawala ng kaniyang minamahal kundi maging ang kanilang alagang pusa.

Labis ang pagiging malapit ng pusa sa kaniyang among babae. Gabi-gabi ay talagang katabi pa niya ito sa kanilang higaan hanggang sa tuluyan nang makatulog ang pusa.

Nagmistulang ina ang amo niyang babae sa kaniya kung kaya naman ang pagkawala nito ay labis ding dinamdam ng pusa. Batid ni Rong Servic na alam ng kanilang pusa na wala na ang kaniyang asawa at hindi na ito muli pang makababalik sa kanila.


Kung kaya naman gabi-gabi ay nagtutungo ito sa kanilang silid at doon ay matagal na tumititig sa larawan ng kaniyang namayapang asawa. Aakalain mong nagsasabi ng “good night” ang pusa na ito sa mismong larawan ng kaniyang among babae.

Hindi lamang pala niya ito ginagawa gabi-gabi ngunit sa tuwing hinahanap niya ang kaniyang amo ay tititig lamang siya sa larawan nito na tila ba ay nababawasan ang kaniyang pangungulila rito.

“My cat loves looking at pictures of his mother, he spends several hours a day in front of them,” Pahayag ni Rong Servic.

Tunay nga na hindi madali at hindi magiging madali kailan man ang mawalan ng isang mahal sa buhay. Marahil akala ng marami ay makakalimot din tayo sa paglipas ng panahon ngunit ang hindi nila ay alam ay nasasanay na lamang ang ating puso at isipan sa matinding sakit at pangungulila sa kanila.