Hindi alintana ng mag-anak na ito ang hirap at pagod madala lamang ang kanilang ina sa kaniyang nakatakdang dialysis. Umaraw man o umulan ay talagang gagawin ng pamilyang ito ang lahat upang makapag-dialysis ang ilaw ng kanilang tahanan.

Kahit pa nga kailangan nilang magtali ng tela sa isang kawayan at kargahin ito ng malayo ay talagang kinakaya nilang lahat. Naitampok ang mahirap na kalagayan ng pamilyang ito Facebook account ng sikat na magazine show na “Kapuso Mo, Jessica Soho”.



Sa edad na 20 taong gulang ay talagang ginagawa na rin ni Karl ang lahat para sa kaniyang mahal na ina. Hindi niya alintana ang hirap na kailangan nilang suungin para lamang masigurado na makakarating ng maayos ang ina sa dialysis center.


Maraming mga netizens ang talagang naantig dahil kahit pa nga napakainit ng panahon o di kaya naman ay napakalakas ng ulan ay hindi sila dapat pumalya sa paghahatid sa kanilang ina. Napakalayo kasi ng kanilang bahay sa “highway” kung kaya naman kailangan nilang gawin ito at isakay na lamang ang kanilang ina sa pansamantalang pambuhat sa kanilang ina.


“Kahit bumabagyo pa, kailangan namin buhatin si Mama para mapa-dialysis siya. Malayo kasi ‘yung bahay namin sa highway. Kailangan kasing sundin ang schedule ng ospital. Kung hindi, special dialysis ‘yun at mahal ‘yung babayaran namin,” Pahayag ni Karl.


“Kapag nakikita kong nahihirapan si Mama, naiisip ko na mas lalo ko dapat pagbutihin ang pag-aaral ko. Kasi kung one day, mawala nga siya, at least meron na akong maitutulong sa mga kapatid ko. Mapapag-aral ko sila,” Dagdag pa ni Karl.


Hindi biro ang napakahirap nilang sitwasyon na ito ngunit nananatili silang matatag para sa kanilang ina. Maraming mga netizens din ang nagdarasal na sana ay magkaroon sila ng ibang pamamaraan upang madala ang kanilang ina sa dialysis center at gayundin naman ay marami ang dumadalangin na bumuti na ang kalagayan ng kaniyang ina.