Family

Troy Montero at Aubrey Miles ibinahagi ang sikreto ng matatag nilang relasyon lalo na ngayong pandemya!



Marahil ay maraming mga mag-asawa o magkarelasyon ang makapagpapatotoo na hindi palaging madali ang mga bagay bagay lalo na kung pagsasama at pag-aasawa rin lang naman ang pag-uusapan. Maraming mga problema, pagsubok, at hindi pagkakaunawaan ang maaari nating harapin sa araw-araw.

Ngunit palagi pa rin dapat nating piliin ang relasyong nais nating pangalagaan na panghabang-buhay. Tulad na lamang halimbawa ng mag-asawang Troy Montero at Aubrey Miles na sa gitna ng maraming mga pagsubok lalo na ngayong pandemya ay napapanatili pa rin nilang ang kanilang masayang pagsasamahan.



Nito lamang Setyembre ay nakapanayam ng “Magandang Buhay” sina Troy at Aubrey kung saan ibinahagi nila ang ilan sa kanilang mga sikreto para sa mas matatag na relasyon kahit pa nga hanggang sa ngayon ay nararanasan pa rin natin ang pandemyang COVID-19. Aminado ang dalawa na hindi perpekto ang kanilang relasyon ngunit nagsusumikap sila ng husto upang masiguro na masaya ang bawat isa sa kanilang pagsasama.


Kaakibat ng pandemya ngayon ang mas marami pang pagsubok kung kaya naman mas nagpursige pa silang mapanatili ang kasiyahan sa kanilang relasyon at sa kanilang buong sambahayan. Para sa kanilang dalawa, respeto at komunikasyon ang ilan sa pangunahing mga sangkap sa matatag na pagsasama.

Kung mayroon kasing respeto ang dalawang tao na nasa isang relasyon ay talagang tatagal ang kanilang pag-iibigan. Gayundin naman ay mahalaga din ang pagkakaroon ng maayos na komunikasyon sa bawat isa.



Dagdag pa ni Troy, kung mayroon nang respeto sa isang relasyon ay susunod na lamang ang marami pang magagandang mga bagay. Dahil sa pandemya ay mas naging malapit sina Troy at Aubrey sa isa’t-isa at sa kanilang mga anak.

Sa bahay lamang sila nanatili nang ilang mga buwan kung kaya naman talagang sinusulit nila ang bawat oras nila kasama ang kanilang mga anak sa kanilang mga “bonding moments”. Maging ang kanilang mga trabaho ay kadalasang ginagawa na rin online kung kaya naman mas marami na silang oras na magkasama sa araw-araw.