Hindi na bago sa atin ang mga balita patungkol sa mga mabubuting Samaritano na talagang tumutulong sa kanilang kapwa ng walang hinihintay na ano mang kapalit. Tulad na lamang halimbawa ng ginang na ito na nagsauli ng isang bag na naglalaman pala ng Php2.7 milyong piso.

Ang matapat na ginang na ito ay nakilala bilang si Alice Baguitan na naninirahan sa Laoag, Ilocos Norte. Ang kaniyang ikinabubuhay ay pagtitinda ng gulay.



Ayon sa ilang mga ulat, kumakain noon si Alice sa isang fast-food chain at hindi niya inaasahang maiiwanan ng babaeng tumabi sa kaniya ang bag nito. Napansin niyang nagmamadali ang babae ngunit hindi niya inakala na mayroon pala itong naiwanan, ang kaniyang bag na nagkakahalaga ng limpak limpak na salapi.

Walang pag-aatubili namang isinauli ito ni Alice sa naturang babae. Nais siyang abutan o bigyan ng pabuya ng ginang ngunit agad niya rin itong tinanggihan.

Ayon kay Alice, ginawa lamang niya ang bagay na alam niyang tama at kung mayroon mang magbibigay ng gantimpala sa kaniya ay hahayaan na lamang niya na ang Diyos ang magbigay nito sa kaniya. Maraming mga netizens naman ang nagpaabot ng kanilang paghanga kay Alice.



Tiyak na marami sa atin ang magsasabi na maraming mga taong nangangailangan ng pera sa ngayon, lalo na at pandemya. Ngunit sa kabila ng sitwasyong kinakaharap natin ay hindi ito naging hadlang upang gawin ni Alice ang tama, ang pagsasauli ng bagay na hindi naman sa kaniya.

Maaaring para sa iba ay hindi ito praktikal, ngunit para sa kaniya ay natural na bagay lamang ito at hindi na dapat pang pagdiskusyunan. Dahil sa nangyaring ito ay mas marami pang mga Pilipino ang nagkaroon ng inspirasyon at pagnanais na makatulong din sa iba nang walang hinihintay na kapalit.

Maaaring mahirap tayo ngayon o talagang kapos sa buhay ngunit kailanman ay hindi magiging tama na pag-interesan natin ang pinaghirapan ng ating kapwa para lamang guminhawa ang ating buhay.





Previous articleTekla pabirong nagreklamo sa kaniyang vlog dahil sa taas ng bayarin nila sa kuryente na sinisi niya kay Michelle at sa mga kasama niya sa bahay!
Next articleVice Ganda at Ion Perez nagdiwang ng “second anniversary” nila sa Enchanted Kingdom!