Kung maririnig mo ang pangalan na Ivana Alawi, tiyak na ang unang papasok sa iyong isipan ay ang napakaganda at mala-Diyosang aktres at vlogger. Tunay nga na kahit kasisimula pa lamang niya sa vlogging ay dumami na kaagad ang kaniyang mga tagasuporta at tagasubaybay.


Habang sinusulat ang artikulo na ito ay mayroon na siyang higit sa anim na milyong subscriber sa kaniyang YouTube channel na kumikita na rin ng 6-digit ayon kay Ivana. Talaga namang napukaw ng 23 taong gulang na Filipino-Moroccan beauty na ito ang maraming mga Pilipino dahil sa kaniyang makalaglag-panga at makapigil-hiningang mga larawan ni Ivana.


Hindi na nga nakapagtataka na halos lahat ng kaniyang mga tagahanga at tagasubaybay ang mga kalalakihan. Una nang nakilala ng publiko si Ivana bilang isang supporting character na si Rina na kaibigan ng karakter Barbie Imperial sa Precious Hearts Romances Presents: Araw Gabi.


Matapos nito ay nabigyan siyang muli ng pagkakataon sa programang “FPJ’s: Ang Probinsiyano” bilang si Madonna na nobya ng karakter ng namayapang si Eddie Garcia. Dahil sa mga positibong komento at reaksyon ng publiko patungkol sa kaniyang pag-arte ay nabigyan pa siya muli ng isa pang pagkakataon sa proyektong Sino Ang Maysala? Mea Culpa bilang ang nakakabighaning abogada na si Lolita del Rio.


Sa ngayon ay pinaghahandaan na ni Ivana ang kauna-unahang title role niya na pinamagatang “Ang Lihim ni Ligaya”. Si Ivana Alawi ay si Mariam Al-Alawi sa totoong buhay.


Isa siya sa apat na mga anak ng kaniyang Pilipinang nanay na si Fatima Marbella at ang kaniyang dayuhang ama na si Samier Al-Alawi. Mayroon pa siyang tatlong mga kapatid kung saan isa na roon si Mona Louise Rey na ang tunay na pangalan naman ay Mona Al-Alawi.

Si Mona ay nakilala bilang isa sa pinakamahuhusay na child actress ng GMA network bago pa man makilala ng publiko ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Ivana.