Masarap maging isang dalaga, ngunit kakaiba rin naman ang saya at kaligayahan mararamdaman mo lalo na kung ikaw ay isa nang misis at ganap na ina. Maaaring maraming magiging pagbabago, mga sakripisyo at mahirap na sitwasyon habang lumilipas ang panahon ngunit mas nagiging matatag tayo bilang mga babae dahil sa mga pagsubok na ito.

Ngunit aminin man natin o hindi, karamihan sa atin ay hindi na nagagawa pang alagaan ang ating mga sarili. Madalas ay wala na tayong oras upang mag-ayos, mag-ehersisyo at maglaan ng kaunting oras para sa ating mga sarili.



Dahil siguro sa pagiging abala natin sa maraming mga bagay at sa pag-asikaso natin sa ating mga anak at asawa. Ngunit kahit pala ganito, hindi tayo dapat nawawalan ng oras at pagmamahal sa ating sarili.

Tulad na lamang ng ibinahaging mensahe ni Regine Tolentino sa kaniyang social media account nang magdiwang ito ng ika-42 na taon niyang kaarawan. Sinong mag-aakala na nasa 40s na pala ang kaniyang edad, hindi ba?

Mayroon na rin siyang tatlong mga anak at kakapanganak pa lamang niya sa kaniyang bunso. Ngunit hindi mo mababakas sa kaniyang hitsura o sa kaniyang pangangatawan na napabayaan niya ang kaniyang sarili.




Ayon sa naging pahayag ni Regine na isang sikat na host, aktres, dancer, fashion designer, social media influencer, modelo at businesswoman, masaya siya dahil sa kabila ng kaniyang edad ay nagagawa pa rin ang mga bagay na gusto niyang gawin. Tulad na lamang halimbawa ng pagsusuot ng mga damit na gusto niya at pag-eehersisyo sa gym.

Nakakabuhat pa siya ng “50-pound weights” na marami sa atin ang tiyak na mahihirapan at susuko kaagad dahil sa hindi natin ito nakasanayan. Nagkaroon siya ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kaniyang kalusugan at katawan dahil sa ayaw niyang maranasan ang nangyari sa ilan niyang mga kamag-anak na nagkaroon ng sakit.

Kung kaya naman sinisigurado niyang malusog ang kaniyang pangangatawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain at pag-eehersisyo ng regular. Tunay nga na hindi hadlang ang edad upang pangalagaan natin ang ating kalusugan at pangangatawan.