Viral

PNP Chief Debold Sinas ipinag-utos ang “BMI Monitoring” ng kapulisan upang labanan ang “obesity” o labis na timbang!



Ipinag-utos kamakailan lamang ni Philippines National Police (PNP) Chief Gen Debold Sinas ang pagpapatuloy ng “body mass index” (BMI) monitoring sa buong kapulisan upang malabanan at tuluyan nang masugpo ang labis na timbang o obesity ng mga pulis. Ang naturang “monitoring” ay sandaling natigil dahil na rin sa pagtatalaga sa bagong PNP chief noong nagkaroon ng pandemya sa bansa.

Ayon pa kay PNP Chief General Sinas ay nakausap na niya ang “PNP Directorate for Human Resource and Doctrine Development” upang maipagpatuloy ang programa at masigurong malakas at matatag ang katawan ng ating buong kapulisan.



“Kinausap ko ‘yung bagong DHRDD na ibalik. Kasi obesity causes diabetes, causes heart disease, which are comorbid diseases for COVID-19,” Pahayag ni PNP Chief General Sinas.

Pag-amin naman niya ay naging “stagnant” daw talaga ang marami sa atin lalo na nang nag-pandemic kung kaya naman mas kaunti ang nag-eehersisyo at gumagalaw-galaw. Kung kaya naman nais niya talagang maisulong ang programang ito.

“Pwedeng mataba, huwag lang masyado. Kasi for the last nine months because of the pandemic, parang konti na lang ‘yung nag-eexercise at gumalaw-galaw. Naging stagnant tayo, so ibabalik namin ‘yun,” dagdag pa niya.

Pagbibigay-linaw din niya ay maging siya mismo ay nag-iingat at minomonitor na din ang kaniyang diyeta at nag-eehersisyo na rin siya. Kahit sa edad na 55 taong gulang ay sinisikap niyang gawin ang mga ito upang mapanatili ang kaniyang maayos na kalusugan at pangangatawan kung kaya naman sigurado siyang kayang-kaya din itong gawin ng mga pulis na mas bata sa kaniya.



Maaalalang ang dating PNP chief at ngayon ay retired Gen. Archie Gamboa ang siya pumirma sa memorandum na ito kung saan ang bawat pulis na hindi makakasunod sa BMI requirement ay hindi na papayagan pang makapagpatuloy ng pag-aaral.

Nang panahong iyon ay mayroong 30 mga pulis na bumagsak sa kanilang “fitness” at “BMI test” sa Camp Crame.