Viral

Lyca Gairanod ipinasilip sa publiko ang ipinatayo niyang bahay para sa kaniyang pamilya!



Si Lyca Jane Epe Gairanod o mas nakilala ng publiko bilang si Lyca Gairanod ay 15 taong gulang na aktres at mang-aawit sa Pilipinas. Nagwagi siya sa unang season ng “The Voice Kids Philippines” at dito na nga nagsimula ang pagbubukas ng maraming mga pintuan para sa kaniya.

Marami ang naantig sa kwento ng kaniyang buhay kung saan ang kaniyang pamilya ay nangongolekta lamang ng ilang mga plastic, bote at mga lumang diyaryo. Ang kaniyang ama ay nangingisda habang ang kaniyang ina naman ay nangangalakal. Sa murang edad ay namulat na siya sa kahirapan kung kaya naman maging siya ay tumutulong na rin sa pangangalakal ng kaniyang ina.



Minsan, kinakantahan niya ang kanilang mga kapitbahay kapalit ng pera o di kaya naman ay pagkain. Ipinahayag din niya noon na hindi siya pinipilit ng kaniyang ina na mangolekta ng mga kalakal bagkus ay ginagawa niya talaga ito ng bukal sa kaniyang puso dahil sa gusto niya ring makatulong sa kaniyang pamilya.


Taong 2014 nang sumubok si Lyca na sumali sa “The Voice Kids” kung saan naging coach niya si Sarah Geronimo. Talaga namang natulala ang publiko sa pambihira niyang talento sa pag-awit lalo na ng kantahin niya ang awitin ng Aegis na “Halik”.

Talaga namang sa kabila ng mga pagsubok na kaniyang naranasan noon sa murang edad ay hindi siya sumuko hanggang sa makamit na niya ang ilan sa mga bagay na noon ay pinapangarap lamang niya. Isa na marahil sa mga ito ay ang pagkakaroon nila ng sarili nilang bahay at lupa.



Ang dati nilang tagpi-tagping bahay ay isa na ngayong maayos at komportable tahanan para sa kaniyang pamilya. Ipinasilip niya kamakailan lamang ang naipatayo niyang bahay malapit sa kinalakihan niyang tirahan.

Ayon sa singer, hindi ito marangya at malaking bahay ngunit masaya at komportable silang namumuhay rito kasama ang kaniyang pamilya. Talaga namang nakakamangha at napakagandang inspirasyon ni Lyca para sa ating mga Pilipino.