Viral

Lalaki, kalaboso matapos magnakaw ng gatas at diaper sa Taguig!



Talagang nakakalungkot malaman na sa kabila ng pandemya, sakuna at kalamidad na ating nararanasan sa ngayon ay mayroong ilan sa mga kababayan natin ang wala nang ibang magawa kundi ang isugal ang sarili nilang dignidad para sa kapakanan ng kanilang mahal sa buhay. Kamakailan lamang, ika-20 ng Nobyembre nang mahuli ang isang 37 taong gulang na lalaki dahil sa pagnanakaw sa isang grocery store.

Ang gwardiya ng naturang establisyemento ang nakapansin sa kakaibang kinikilos ng lalaki kung kaya naman nang palabas na ito ay agad niyang tinanong dito ang kaniyang resibo. Walang maipakitang resibo ang lalaki kung kaya naman hindi na siya pinakawalan pa ng gwardiya.



Ang mga prokduktong kaniyang ninakaw ay 1 malaking pack diaper, 3 kahong gatas ng bata, 1 pakete ng hotdog, 10 pirasong 3-in-1 na kape, at isang air freshener. Lahat ng ito ay nagkakahalaga ng Php3,500. Sa ngayon ay nakakulong sa Taguig Police Station ang naturang lalaki na humaharap ngayon sa kasong pagnanakaw.

Hindi tama ang kaniyang ginawang pagnanakaw ngunit hindi maiwasan ng maraming mga netizen na mahabag sa naging kalagayan ng lalaking ito na marahil ay isang ama at nais lamang mabigyan ng ilang mga pangangailangan ang kaniyang pamilya. Hindi tama ang pamamaraang ginawa niya upang magkaroon ng diaper, gatas at pagkain ang kaniyang anak ngunit ang pagsasaalang-alang ng kaniyang kalayaan ay talagang namang hindi matatawaran.

Sana ay mas maging mulat ang kaisipan at pang-unawa ng maraming mga tao patungkol sa mga ganitong klase ng bagay na hindi man ginusto ng kahit sino na mangyari sa kanila ay wala silang ibang magagawa kundi ang sumugal at itaya ang kanilang kalayaan para sa kanilang mga mahal sa buhay.



Marami tayong mga bagay na tinatamasa pa rin sa ngayon sa gitna ng mahirap na buhay at pandemya ngunit huwag din sana nating kalimutan na marami din ang labis na nahihirapan dahil sa kanilang sitwasyon sa ngayon kung kaya naman huwag sana tayong makalimot tumulong sa iba at manalangin sa Diyos.