Ayon sa kasabihan na mula kay Mehmet Murat Ildan, mamuhay ka lamang ng simple at tiyak na magkakaroon ka ng mga magagandang kayamanan sa mundo. Marami sa atin ang nagnanais yumaman, magkamit ng mga kayamanan sa mundo, at makuha ang lahat ng mga materyal na bagay na matagal na nating ninanais.


Ngunit sa kabila nito ay mayroon pa ring iilan na mas nagnanais mamuhay ng simple, kuntento at masaya kasama ang kanilang mga mahal sa buhay. Isa na sa kanila ang dating sikat na singer na si Kitchie Nadal.


Ang kaniyang tunay na pangalan ay Anna Katrina “Kitchie” Dumilon Nadal-Lopez. Una siyang hinangaan ng publiko bilang lead vocalist ng bandang “Mojofly” noong 1998.


Matapos nito ay napagdesisyunan niyang maging isang solo singer na lamang kung saan mas lalo siyang hinangaan ng publiko. Talaga namang napakarami sa kaniyang mga awitin ang naging bukang-bibig ng maraming mga Pilipino.

Halimbawa na lamang ay ang kaniyang second single na “Huwag Na Huwag Mong Sasabihin” na naging most-played OPM single pa noong 2004. Nakatanggap rin siya ng maraming mga parangal dahil dito.


Minahal din ng publiko ang kaniyang mga awiting “Same Ground”, “Malaya”, “Simula Ngayon”, “Wandering Stars” at “Majika”. Marahil ay marami sa atin ang nagtataka kung nasaan na nga kaya ang isang mahusay na mang-aawit tulad ni Kitchie.


Nagpakasal si Kitchie taong 2015 sa kaniyang nobyo na si Carlos Lopez. Naging usap-usapan pa nga ang kanilang kasal noon dahil sa mas pinili niyang magsuot ng mumurahing bridal gown kaysa bumili ng mamahalin.


Matapos ng kanilang kasal ay sa Espanya na sila tumira. Ang kaniyang mister ay isang journalist doon at kasama ang kanilang anak na lalaki ay talaga namang kuntento at maligayang-maligaya na sila.

Bagamat hindi na siya gaanong aktibo sa industriya ay madalas pa rin namang makita ang kaniyang mga posts sa social media.