Viral

Isang may kapansanang guwardiya sa Malaysia, nag-aalaga ng mga ligaw na pusa gamit lamang ang kaniyang maliit na sweldo!



Pumukaw sa atensiyon ng publiko ang nakakamanghang pagtulong na ito ng isang lalaking mayroong kapansanan sa mga pusang naliligaw at mga nakatira lamang sa lansangan. Kahit pa isa siyang “Person with disability” o PWD ay naghahanap-buhay pa rin siya bilang isang “security guard” sa Pahang, Malaysia.

Siya ay nakilala sa pangalang Tera Adnan. Sinong mag-aakala na sa maliit niyang kinikita sa kaniyang trabaho ay nagagawa pa niyang tumulong sa maraming mga pusa na walang masilungan at walang makain?



Maraming mga netizens hindi lamang sa Malaysia kundi maging sa buong mundo ang labis na humahanga sa kaniya dahil sa pambihirang pagtulong niyang ito sa mga kawawang hayop. Si Tera ay kilala rin sa pangalang Abang Bob at ayon sa ilang mga nakakakilala sa kaniya ay ulila na siya at wala na siyang matitirhan pa kung kaya naman sa “guardhouse” na lamang ito naninirahan.

Madalas na mayroong mga pusang naliligaw at sandaling nakikisilong sa tinutuluyan ni Tera at dahil nga mahilig talaga siya sa mga pusa ay palagi niya itong pinapakain. Isa sa kaniyang mga kaibigan ang nagbahagi ng kaniyang kwento at ilang mga larawan sa social media kung saan naroroon din ang kaniyang bank account details.

Marami ang nagnais tumulong at mag-donate sa kaniya hindi lamang dahil sa mahirap niyang kalagayan at wala siyang maayos na tirahan kundi upang maipagpatuloy niya rin ang ginagawa niyang pagtulong sa mga hayop sa kanilang lugar. Tunay nga na marami tayong kinakaharap na mahirap na mga pagsubok sa ngayon.

Ngunit mayroon pa rin talagang mga tao na hindi makakayanan na hindi tumulong sa kanilang kapwa o kahit pa sa mga hayop na talagang nangangailangan ng kanilang tulong kahit pa nga sila mismo ay nasa mahirap ding sitwasyon. Tiyak na mas marami pang mga indibidwal ang magkakaroon ng pagkukusang tumulong sa kanilang kapwa dahil sa kwentong ito ni Tera.