Viral

Isang “baby elephant” na nailigtas ng ilang mga rangers, bagong pet ngayon sa isang bahay!



Hindi na bago sa maraming mga Pilipino ang pagkakaroon ng mga alagang hayop o “pets” sa bahay. Hindi lamang mga aso at pusa ang madalas nating gawing pets kundi maging mga ibon, isda, kuneho, hamster, at ilang mga exotic na uri ng hayop gaya na lamang ng mga gagamba, scorpion, ahas at marami pang iba.

Kung inaakala nating kakaiba na ang mga exotic pets na ito, mayroon pa palang mas nakakabilib pa dito. Isang ginang kasi sa Zimbabwe na nakilala sa pangalang Roxy, founder ng wildlife sanctuary na “Wild is Life”, ang mayroong alaga na “baby elephant” sa kaniya mismong tahanan.



Ang batang elepante na ito ay pinangalanan niyang Moyo. Taong 2014 nang iligtas niya ito at dinala sa kaniyang tahanan upang doon na manirahan.

Mula noon ay hindi na mapaghiwalay ang dalawa. Ayon sa naging pagkukwento ni Roxy, ilang araw pa lamang mula nang maipanganak si Moyo at talagang batang bata pa ito nang makasama siya sa kawan ng mga elepanteng tumatawid sa isang ilog.

Nahirapan siyang makatawid hanggang sa napag-iwanan na siya ng kaniyang mga kasamang elepante. Nang makatawid na si Moyo ay tuluyan nang nakalayo ang kaniyang kawan habang siya naman ay napaliligiran ng mga hyenas na gusto siyang lapain.



Buti na lamang at nakita siya ni Roxy at ng mga rangers na kasama nito at agad nang nailigtas mula sa kapahamakan. Batid ni Roxy na hindi makakaya ng batang elepante na mabuhay malayo sa kaniyang ina.


Dahil nga nasa hindi magandang kondisyon pa si Moyo ng mga panahong iyon ay nagdesisyon siyang siya na muna ang mag-alaga dito hanggang siya ay tuluyan nang gumaling. Halos 18 litro ng tubig ang matiyaga niyang ipinapainom kay Moyo araw-araw para lamang lumakas ito at mabuhay.

At dahil na rin sa pagsusumikap niya ay tuluyan nang bumalik ang sigla ni Moyo at naging malakas na siyang muli. Mula noon ay naging malapit na sila sa isa’t-isa, isa tunay na ina ang turing ni Moyo kay Roxy.