Hindi madaling lumaki ng walang ama o walang ina. Kahit pa sabihin nating hindi naman nagkulang ang ating magulang o ang ating mga lolo at lola sa naging pag-aalaga sa atin ay tila ba mayroon pa ring kulang sa ating pagkatao.

Kung kaya naman hindi na rin talaga nakapagtatakang maraming mga anak ang naghahanap sa kanilang mga magulang sa abot ng kanilang makakaya. Isa na sa kanila si Mohammad Qasam “Sam” Pervaiz.



Siya ay isang 20 taong gulang na half-Pinoy at half-Pakistani. Sa pagnanais na makilala ang kaniyang ama na mula pa noong nagkaisip siya ay hindi na niya nasilayan ay sumubak na rin siya sa pagba-vlogging.

Isa ito sa pinakapopular na gawain ngayon ng maraming mga Pilipino, maging ng mga sikat na artista at personalidad. Madalas, ang mga sikat na vloggers ay nagnanais na makatulong sa mga nangangailangan o di kaya naman ay magbigay inspirasyon sa publiko sa pamamagitan ng kanilang mga videos.

Ngunit para kay Sam, nais niyang maging sikat na vlogger upang mahanap na niya at makilala ang kaniyang ama.Ayon sa naging pahayag ni Josephine Joson sa programang “Kapuso Mo, Jessica Sojo” ay nagkakilala sila ng ama ni Sam na si Muhammad Pervaiz sa Hongkong.
At si Sam nga ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan. Kalaunan ay nagdesisyon si Josephine na umuwi na lamang sa probinsiya at magnegosyo.



Kada dalawang linggo naman ang naging pagdalaw ng ama ni Sam sa kanila. Ngunit isang beses ay hindi inaasahang nagkaroon sila ng problema dahil sa tumalbog na tseke.

Agad namang umaksyon ang bangko at pinaharang sa Bureau of Immigration ang ama ni Sam. Hindi na siya nakabalik pang muli sa Pilipinas at mula noon ay nawalan na sila ng komunikasyon sa isa’t-isa.

Hindi naman sumuko si Josephine at itinaguyod niyang mag-isa ang kaniyang anak na si Sam. Naranasan niyang maging isang labandera, plantsadora, tagalinis at kung ano ano pang raket na kaniya niyang pasukin basta’t marangal at kikita siya ng kahit kaunting pera ay talagang pinapasok niya.



Hindi akalain ni Sam na dahil sa pakikipag-collaborate niya sa sikat na vlogger na si Erika Embang ay muli na niyang makikita ang kaniyang ama na matagal na niyang hinahanap.