Naging mainit na usapin nitong mga nagdaang buwan ang hindi patas na pagtingin at pagtrato sa mga taong mayroong maiitim na kulay. Halimbawa na lamang ang mga Black Americans at ang mga Amerikanong puti na tila ba hanggang sa ngayon ay mayroon pa ring matinding digmaan dahil lamang sa pagkakaiba ng kulay ng kanilang balat.

Hindi na nakapagtatakang kahit sa Pilipinas ay mayroon ding ganitong mentalidad. Ang pagkakaroon ng maputi at malaporselanang balat ay maganda at kaaya-aya.



Habang ang pagkakaroon naman ng maitim at morenang balat ay hindi maganda lalo na sa mga kababaihan. Kamakailan lamang ay ibinahagi ng Kapuso actress na si Gabbi Garcia ang mga pagsubok na kinaharap niya dahil sa pagiging morena niya.


Ayon sa kaniya ay hindi naging madali ang pagsubok niyang pumasok sa industriya ng show business dahil sa madalas ay mga batang mapuputi, may lahi, o “half-half” ang nakukuha sa mga TV ads na kaniyang nilalahukan. Habang lumalaki siya ay marami ang nagsasabi sa kaniyang dapat ay magsimula na siyang magpaputi ng balat kung gusto niyang magtagumpay at makilala sa pagiging artista.

Ngunit sa halip na sumunod sa uso o sa sinasabi ng ibang tao ay mas minahal at pinahalagahan niya ang kulay ng kaniyang balat. Hindi siya nagpaputi para lamang mas mapadali ang pagtanggap ng industriya sa kaniya.



Sa halip ay mas pinagmalaki at mas minahal pa niya ang kaniyang sarili.

“Growing up, yun talaga yung sinabi ko. Especially when I entered the industry, sabi ko I will not change my skin color. I will love my skin. That’s why everything that I do for like brands for like shoots, talagang I maintain my skin color,” pahayag ni Gabbi.

“Doon ko talaga na-figure out na in the industry, maraming mga sabi-sabi na people who are gonna say na ‘Alam mo kailangan mo magpaputi para makakuha ka ng ganito’ or ‘Kailangan mas okey kapag maputi ka,’. Doon ko na-realize the importance of loving yourself and your skin color, na hindi ka magpapa-sway sa ibang tao.” Dagdag pa ng Kapuso actress.