Marami sa atin ang hindi makakalimutang bumili ng “cake” kung mayroong mga espesyal na okasyon o di kaya naman ay kung mayroon tayong kaarawan na ipinagdidiwang. Madalas ay napakaganda at makukulay ang mga cake na ito lalo na kung bata ang mayroong kaarawan.

Kadalasang kulay pink ang nais ng mga batang babae na nagdiriwang ng kanilang kaarawan habang kulay asul naman sa mga batang lalaki. Mayroon ding iba ibang mga disenyo o karakter na talaga namang napakaganda sa paningin.

Ngunit kamakailan lamang ay talagang ikinabigla ng publiko kung bakit nga ba kakaiba at medyo may pagka-wirdo ang disenyo ng cake ni Stella Francisco, bunsong anak nina Melai Cantiveros at Jason Francisco. Nagdiwang ng ikatlong taong kaarawan si Stella Rosalind kasama ang kaniyang pamilya.

At dahil nga hanggang sa ngayon ay umiiral pa rin ang enhanced community quarantine sa maraming mga lugar sa bansa, sa loob na lamang ng kanilang tahanan sila nagdiwang. Pumukaw sa atensyon ng publiko ang kulay tsokolateng cake ni Stella, ngunit higit pa rito ay talaga namang nawindang ang publiko dahil sa mayroong ilang mga ipis na nakadisenyo rito.
Maaaring nakakatawa o kaya naman ay nakapandidiri para sa iilan ngunit ayon kay Melai ay maliit pa lamang si Stella ay talaga namang namamangha na ito sa mga ipis. Hindi na nakapagtatakang sobrang saya niya nang makita ang kaniyang cake na gawa mismo ng kaniyang mapagmahal na inang si Melai.

Nang ibahagi ito ng Kapamilya host sa kaniyang social media account ay agad naman itong humingi ng pasintabi sa mga kumakain dahil sa medyo maselang larawan ng birthday cake ng anak. Masayang masaya din naman si Melai dahil sa naging matagumpay ang kaniyang “homemade without oven chocolate powder cake”. Ikinatuwa ng marami ang post na ito na umani rin ng sari-saring mga komento at reaksyon mula sa publiko.