Habang hindi pa tuluyang natatapos ang krisis ng bansa dahil sa paglobo ng bilang ng mga taong nagpositibo sa COVID-19, isa ang aktres at modelong si Andi Eigenmann sa mga sikat na personalidad na ginamit ang kaniyang maraming oras upang makapagtanim at makapag-alaga ng mga sariwang gulay at prutas sa kanila mismong bakuran.

Hindi rin naman nakakalimot na mag-update si Andi sa kaniyang 2.2 million Instagram followers dahil sa ilang mga larawang ibinahagi nito kung saan makikita ang kaniyang mga pananim na gulay at prutas katuwang ang kaniyang nobyo na si Philmar Alipayo.


Dahil sa patuloy na kinakaharap nating krisis ay batid ng maraming Pilipino na isang napakalaking biyaya ang pagkakaroon ng sariling taniman ng mga gulat at prutas na hindi na kailangan pang bilhin sa mga pamilihan. Hindi ka lamang nakatipid kundi makasisigurado ka pang sariwa ang ihahanda mong pagkain sa iyong pamilya.

Tunay nga na hindi ka na mahihirapan pang bumiyahe o magtungo sa mga pamilihan dahil ilang hakbang mo lamang ay makakakuha ka na ng sariwang mga pananim sa iyong bakuran, hindi ba? Talaga namang mapalad ang pamilyang ito ni Andi dahil malaki at mataba rin ang mga lupa sa Siargao kung kaya naman hindi na sila masyadong mahihirapan pang maghanap ng mapagtataniman.


Ilan sa kanilang mga sariwang pananim ay pakwan, kamatis, patola, ampalaya, avocado, papaya, at kalabasa. Madalas ding makikita sa mga social media posts ni Andi ang masasarap at talaga namang katakam-takam na mga pagkaing inihahanda nito sa kaniyang pamilya lalo na sa kaniyang bunsong anak na si Baby Lilo na nagsimula nang kumain ng mga “solid foods” kamakailan lamang.


Wala pa rin talagang papantay sa mga sariwang pagkain na madalas nating matatagpuan sa mga probinsiya. Bagamat hindi na masyadong gumagawa ng proyektong pelikula o programa sa telebisyon si Andi ay masaya pa rin ang kaniyang mga tagahanga dahil nakikita pa rin siya sa social media kung saan makikita ang kaniyang mga ginagawa at interes bilang isang mabuting ina sa kaniyang mga anak at katuwang ng kaniyang nobyo.