Kamakailan lamang ay ikinabigla ng publiko ang pagbabalita ni Alex Gonzaga na nagpositibo siya at ang kaniyang pamilya sa COVID-19. Asymptomatic ang kaniyang Mommy Pinty at Daddy Bonoy habang nakaranas naman sila ni Mikee Morada ng “clogged nose” at “slight fever”.

Maging ang kaniyang personal assistant na si Sofie ay nahawa rin ng sakit. Noong una ay talagang labis na nagalit at nadismaya si Alex dahil sa hindi niya inaasahan na magiging dahilan ito upang maapektuhan ang mga plano niya at mga proyektong nakalinyang gagawin niya.



Ayon pa sa pahayag ni Alex, sumama din talaga ang loob niya nang malaman ang posibleng pinagmulan ng pagkakahawaan sa buong sambahayan nila. Ikinuwento niyang mayroong lumabas na isa sa kanila dahil sa nag-crave ito ng pagkain at nang bumalik ito ay mayroon na itong dalang sakit na nakahawa sa kanilang lahat.

Sa kabila ng naranasan nilang ito ay nananatiling positibo si Alex at talagang hindi niya nakalimutang magpasalamat sa Diyos dahil sa kahit matatanda na ang kaniyang mga magulang ay hindi sila masyadong pinahirapan ng naturang sakit. Kahit pa nga positibo silang lahat sa sakit na ito ay sinigurado nilang mas naging matatag ang pananalig nila sa Diyos at hindi nila nakakalimutang magdasal sa Kaniya.

Dahil din sa pangyayaring ito ay mas naging matatag ang pananampalataya nila ng kaniyang fiancé na si Mikee dahil sa nagagawa na rin nilang mag-aral ng bibliya kahit magkalayo sila. Tunay nga na napakapalad nilang pamilya dahil sa nalampasan nila ang isa sa pinakamabigat na pagsubok na naranasan nila sa kanilang buhay.



Hindi madali ang takot at pangambang naramdaman nila ngunit napatunayan din nilang kaya naman pala talagang malabanan ang sakit na ito. Tiyakin lamang na magkakaroon tayo ng sapat na pahinga, kumpletong nutrisyon sa pamamagitan ng pagkain ng wasto at pag-inom ng bitamina.

Uminom din sila ng maraming tubig at namahinga ng maayos. Pinaalalahanan din ni Alex ang publiko na hindi dapat tayo magpaka-kampante at magpabaya lalo na sa mga panahong ito dahil sa mayroon pa rin talagang pandemya na maaaring makapagdulot ng sakit at kapahamakan sa iyo at sa iyong pamilya.