Isang 14 na taong gulang na dalaga ang nakainom ng gamot na para sa mga taong may sakit sa isipan. Urinary Tract Infection (UTI) lamang ang naging resulta ng pagsusuri sa dalagang ito ngunit ibang gamot pala ang naibigay sa kaniya!

Agad namang naisugod sa ospital ang dalaga matapos makaranas ng hindi magandang side effect ng nainom na gamot. Siya ay naninirahan sa isang bayan sa Samar. Ayon naman sa naging pahayag ng kanilang municipal health officer ay wasto at tama naman ang naireseta sa kaniyang mga gamot. “Cefalexin tablet” para sa kanyang UTI.



Ngunit kahit pa nga tama ang naging pagsusuri sa kaniya at maging ang nairesetang gamot ay nakainom pa rin ito ng gamot na hindi naman niya talaga dapat iinumin! Ayon sa ilang mga ulat, ang nursing attendant o nursing aide na si Rossel Davantes ang nagbigay ng mga gamot sa dalaga.

Ito ang naging pahayag ng pinsan ng dalaga na si Dherma Velarde Malahay. Sa halip kasi na “Cefalexin” ang ibigay sa pasyente ay gamot na “Haloperidol” ang ibinigay ng naturang nurse sa pasyente. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw ang dahilan kung bakit nga ba nagkamali sa pagbibigay ng gamot samantalang magkaibang magkaiba naman ang pangalan ng dalawang mga gamot na ito.


Ang gamutan para sa UTI ng pasyenteng ito ay para sa “out-patient department” kung kaya naman agad nang pinayagan na makauwi siya ng kanilang tahanan at doon siya magpagaling. Ngunit pagkatapos makainom ng gamot ng pasyente ay agad itong nakaranas ng paglalaway, pagtirik ng mata at nakaranas ng “seizure o epileptic episodes”.

Sinugod sa Gandara District Hospital ang dalaga kung saan siya nagpagaling sa loob ng isang linggo. Sa ngayon ay ligtas na sa kapahamakan ang dalaga ngunit nais pa rin ng kaniyang pamilya na makamit ang hustisya sa insidenteng ito.

Nangangamba din sila na magkaroon ng hindi magandang epekto para sa dalaga ang pagkakainom niya ng gamot na hindi naman talaga para sa kaniyang sakit na UTI. Pangako naman ng kanilang alkalde na magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa nangyari.



“We will conduct a fair investigation, if evidence warrant, then maybe we can dismiss whoever responsible of the alleged giving a wrong medicine to the patient,” Pahayag ng Mayor ng Matuguinao na si Mayor Aran Boller.