Viral

Sanggol natagpuan na nakasilid sa isang bag matapos iwanan sa tapat ng isang bahay sa Imus, Cavite!



Ang pagkakaroon ng isang supling o sanggol ay itinuturing na biyaya ng maraming mga mag-asawa. Hindi madali ang pagbubuntis, panganganak at pagpapalaki ng isang sanggol ngunit sa kabila ng mga sakripisyo at paghihirap ay naroon din naman ang napakasarap na pakiramdam ng pagiging isang magulang.

Marahil marami din ang nakakaranas ngayon ng kagipitan dahil na rin sa kahirapan ng buhay, pandemya at napakarami pang mga bagay na nangyayari sa ating kapaligiran sa ngayon. Ngunit kailanman ay hindi makatarungan at lalong hindi makatao ang isilid ang isang bagong silang na sanggol at iwanan ito sa tapat ng isang bahay sa Cavite.



Narinig mismo ng netizen na si Winnie Lyn De Leon ang pag-iyak ng sanggol na iniwanan pala sa tapat ng bahay sa kanilang subdivision. Ayon sa kaniyang pahayag ay bagong silang ang sanggol dahil sa mayroon pa itong “umbilical cord” nang kanilang matagpuan.

Ayon sa nakuhang CCTV footage sa lugar ay mayroong nakita na isang lalaking nakasakay sa bisikleta ang nag-iwan sa sanggol bandang alas-3:30 ng madaling araw. Ganap na ika-11 naman ng umaga nang makita nila ang kahabag-habag na kalagayan ng sanggol na umiiyak sa loob ng bag kung saan makikita rin ang bote ng gatas na nakatimpla na.

Agad nilang dinala ang sanggol sa kanilang barangay upang malinisan at mabihisan. Talaga namang maraming mga netizens ang hindi mapigilang magalit sa nakakaawang sitwasyon ng sanggol dahil sa wala pa itong muang sa mundo at talagang napakainosente pa.

Sinong magulang ang makakayang malayo sa kaniyang anak at hahayaan ito sa napakapanganib na sitwasyon sa lansangan kahit pa mayroong pandemya at maraming hindi magandang bagay na maaaring mangyari sa bata. Samantala, ayon naman sa “Social Worker in charge for adoption cases” ng Imus na si Glenda Obligacion ay maayos na ngayon ang kalagayan ng sanggol at mahimbing na ring nakakatulog.



Pinayuhan niya ang ilang mga magulang na kung mayroong napakahirap na pinagdaraanan ay huwag na nilang ilagay pa sa alanganin ang buhay ng sanggol dahil maaari din naman silang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang maipaampon ng maayos ang kanialng anak.