Viral

Namayapang ina nag-iwan ng nakakaantig na mensahe at pamana sa kaniyang mga naulila!



Napakahirap mawalan ng mahal sa buhay. Marami sa atin ang hindi pa talaga kayang magpatuloy sa buhay dahil sa pagpanaw ng kanilang minamahal.


Mayroong ilang nagsasabi na hindi naman talaga nakaka-move on ang mga taong naulila sa pagpanaw ng kanilang minamahal bagkus ay nasasanay lang sila sa sakit at pighati na nararamdaman nila araw-araw. Sa kabila nito ay nagsusumikap pa rin silang ipagpatuloy ang buhay na mayroon sila kahit pa wala na ang taong pinakamamahal nila.

Kamakailan lamang naging usap-usapan sa social media ang natanggap na sorpresa ng mga anak ng isang ginang dahil sa naiwan nitong pamana at liham para sa kanila. Ayon sa naging social media post ni Tim Salonga noong ika-24 ng Setyembre, kaarawan noon ng kaniyang Ate Heka ngunit hindi sila makapaniwalang may itinago palang liham at pamana ang kanilang ina para sa kanilang magkakapatid.




Nakita nila sa isa sa mga lumang damit ng kanilang ina ang isang sulat, tatlong singsing, isang pares na hikaw at Php5,000! Ayon sa liham ng namayapa nilang ina ay para ito sa pag-aaral nilang magkakapatid.

Nakasaad din dito ang isa pang lugar kung saan itinago ng kanilang ina ang kaunting naipon nito. Naalala nilang noon pa man ay hindi na palagasta ang kanilang ina, wala itong binibili para sa kaniyang sarili.

Kung kaya naman nagulat sila dahil sa mayroon pala itong naitatabing pera sa bangko dahil sa passbook at cash na nakuha nila sa lumang makina nito. Tunay nga na walang makapapantay sa wagas na pag-ibig ng isang ina para sa kaniyang mga anak.


Kahit sa kahuli-hulihang sandali ay hindi nito hinayaang maiwan nang walang-wala ang kaniyang mga anak. At tila ba nakatakda ang taong ito upang matagpuan nila ang itinagong liham at pera ng kanilang ina para mismo sa kanila.

Kahit matagal nang pumanaw ang kanilang magulang ay tila ba naririyan pa rin siya at gumagabay sa kanila mula sa kalangitan.