Good deeds, Viral

Lyca Gairanod namahagi ng mga pagkain sa kaniyang mga kababayan sa Cavite na naapektuhan ng bagyong Rolly!



Si Lyca Jane Epe Gairanod o mas nakilala ng publiko bilang si Lyca Gairanod ay 15 taong gulang na singer, performer, endorser at vlogger. Siya ang tinanghal na kampeon sa unang season ng “The Voice Kids Philippines”.

Dito nagsimula ang pagdagsa ng mga proyekto at ilan pang mga oportunidad para sa kaniya. Kamakailan lamang ay madalas na rin siyang nagbabahagi ng mga videos sa kaniyang YouTube channel.



Isa sa mga videos na tampok dito ay ang pagpapasilip niya ng kanilang simpleng tahanan na naipundar niya mula sa kaniyang pagsusumikap sa kaniyang trabaho. Sa ngayon ay mayroon siyang bagong video kung saan namahagi siya ng ilang pagkain para sa mga kababayan niya sa Cavite na nasalanta ng super bagyong Rolly.


Ibinahagi ng aktres sa kaniyang latest vlog na maraming mga nawalan ng tahanan at labis na naapektuhan sa pananalasang ito ng bagyo. Kung kaya naman napagdesisyunan niyang mag-abot ng kaunting tulong para sa kaniyang mga kababayan.

Sa tulong ng kaniyang mga kaibigan at ng Team Charan ay nakapamahagi sila ng ilang mga pagkain na kanin at ulam, sa ilang mga kabahayan. Sa ginawa nilang paag-iikot at pamamahagi ay maraming mga tao at pamilya ang kanilang natulungan at naabutan ng munti nilang tulong.



Tuwang tuwa naman si Lyca dahil sa kahit paano ay nagawa niyang makatulong sa kaniyang mga kababayan dahil sa laking Cavite din talaga ang singer. Inulan din naman ng mga positibong komento mula sa mga netizens ang pambihirang pagtulong na ito ni Lyca.

Hindi man siya ganoon kayaman at hindi man ganoon karangya ang kaniyang buhay ay hindi pa rin nawawala sa kaniya ang pagnanais na tumulong sa ibang tao lalong lalo na sa mga taong hirap din sa buhay. Tiyak na mas maraming tao ang magnanais na tumulong sa kanilang kapwa dahil sa ipinakitang inspirasyon na ito ni Lyca.