Showbiz, Viral

Alex Gonzaga at Donnalyn Bartolome, ibibigay ang kikitain ang latest vlog nila sa mga biktima ng bagyong Ulysses!



Napagdesisyunan ng mga personalidad na sina Alex Gonzaga at Donnalyn Bartolome na ipamahagi sa mga nangangailangan ang kikitain ng kanilang latest vlogs. Ayon sa ilang mga ulat ay ilalaan ni Alex ang kikitain niya sa kaniyang vlog na pinamagatang “Tiangge Shopping by Alex Gonzaga” sa mga nasalanta ng bagyo.

Sa ngayon ay mayroon nang higit sa 4.5 milyon na views ang naturang viral video sa loob lamang ng tatlong araw. Hinikayat ng mahusay na host at vlogger na manuod ang mga netizens ng kaniyang bagong vlog kung saan ipamimili niya ng ilang mga damit si Zeinab dahil ang malilikom nilang pera rito ay mapupunta sa mga nangangailangan.



“Netizens nilibre at pinagshopping ko si Zeinab sa tiangge. At kung gusto nyo makatulong habang sumaya pwede kayo sa youtube manood dahil the revenue of my latest vlog will be donated sa typhoon victims.” Pahayag ni Alex.


Hindi rin naman nagdalawang-isip ang isa pang sikat na personalidad na si Donnalyn Bartolome na mag-abot ng tulong sa maraming mga pamilyang nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa nangyaring kalamidad.

“Donate by just watching this video. DON’T SKIP ADS! COMMENT- IT HELPS SPREAD THIS VIDEO TOO.” Pagpapaalala naman ni Donna sa mga netizens.

Maliban sa kikitain ng vlog niyang ito ay tinataguyod din niya ang napili niyang organisasyon na “Influence Us. Maaalalang noong kasagsagan ng bagyong Ulysses ay kaagad na bumili ng ilang mga rescue boats si Donnalyn upang matulungan ang mga pamilyang kinakailangang lumikas dahil sa labis na pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses.



Hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga bayan sa iba’t-ibang panig ng bansa ang nagsusumikap na umahon sa kabila ng matinding pagsubok na ito. Maaaring hindi ganun kadaling mawawala ang alaala nila sa karanasan nilang ito ngunit nakakamanghang makita na maraming mga tao, artista man o hindi, ang nag-aabot ng tulong sa kanilang kapwa sa abot ng kanilang makakaya.