Viral

107 taong gulang na matandang babae, hindi pag-aasawa ang sikreto para sa mahabang buhay!



Mahabang buhay at malusog na pangangatawan, yan ang ilan sa madalas nating naririnig kung “birthday wish” ang pinag-uusapan. Ngunit upang magkaroon ka ng mahabang buhay at malusog na pangangatawan ay hindi lamang dapat natin ito hilingin kundi dapat din nating gumawa ng paraan upang maisakatuparan ang nais nating ito.

Dapat din tayong mag-ehersisyo at kumain ng masusustansiyang mga pagkain. Akala ng marami sa atin, ito lamang ang sikreto sa mahabang buhay. Ngunit para sa matandang babae na ito na nagdiwang ng kaniyang ika-107 na taong kaarawan kamakailan lamang, ang hindi pag-aasawa ay malaking tulong rin upang mabuhay ka ng matagal.



Ayon sa naging balita ng CBS New York, nagdiwang ng kaniyang ika-107 taong kaarawan si Louise Signore sa JASA Bartow Senior Centre. Siya ay isinilang noong 1912 sa Manhattan New York at lumaki sa Bronx kung saan siya nanirahan buhat ng siya ay umedad ng 14 na taong gulang.


Ibinahagi ng matalik na kaibigan ni Louise na si Deborah Whitawaker kung bakit talagang bilib na bilib siya sa kaniyang kaibigan sa kabila ng matandang edad nito. Ayon sa kaniya ay palaging nakasuot ng kulay rosas na damit si Louise at talagang ipinapamalas niya sa marami ang kaniyang talento.

Dagdag pa niya ay hindi gumagamit ng wheelchair o tungkod ang kaniyang kaibigan. Nakakapamili pa ng kaniyang mga pangangailangan si Louise kahit siya lamang mag-isa.

“Sa palagay ko, ang koneksyon niya sa kanyang mga kapitbahay sa komunidad at pati na rin ang kanyang mga kaibigan dito sa senior center ay nakakatulong upang mapanatili niya ang kanyang sigla,” ayon naman kay Aisha Parillon, ang “senior director” ng mga “senior service” ng JASA.



“Sa palagay ko ang sikreto ng 107 kong edad ay: ang hindi ko pagpapakasal. Sa palagay ko ito ang sikreto. Nasabi pa ng aking kapatid kung minsan na sana hindi na lang sila nagpakasal.” Pagbubunyag ni Louise.

“Kung mayroon silang programang pang ehersisyo, ginagawa ko ang pag eehersisyo. Kung sumasayaw sila, sumasayaw din ako. Gumagawa pa rin ako ng kaunting pagsasayaw kahit tapos na sila. Matapos ang aking tanghalian, naglalaro naman ako ng bingo, pagkatapos nun buo na ang araw ako. ” pahayag pa niya.